Boluntaryong nagbalik-loob ang isang miyembro ng New People’s Army sa 2nd Leyte Provincial Mobile Force Company Headquarters, Barangay Cristina, Calubian, Leyte nito lamang Abril 9, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Recaredo S Marasigan, Force Commander ng nasabing istasyon ang nagbalik-loob na si alyas “Jomar”, 32 anyos, NPA member ng Caloy Platoon at residente ng Barangay Tapol, Leyte, Leyte.
Sa kanyang pagbabalik-loob ay isinuko rin nito ang armas na isang yunit na Caliber 22 magnum na may marka at sampung bala.
Ang pagbabalik-loob nito ay resulta ng patuloy na panawagan at negosasyon ng 2nd Leyte PMFC kasama ang Leyte Provincial Intelligence Unit at Leyte Municipal Police Station.
Si alyas “Jomar” ay nasa ilalim na ng kustodiya ng 2nd Leyte PMFC para sa dokumentasyon at tactical interview bago sumailalim sa programa ng ating gobyerno na Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Samantala, nakatanggap naman siya ng agarang tulong pinansyal mula sa kapulisan.
Muling hinimok ng 2nd Leyte PMFC ang iba pang mga miyembro at tagasuporta ng CTGs na iwaksi ang maling ideolohiya at magbalik-loob sa gobyerno upang mabuhay ng payapa kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Panulat ni Patrolwoman Camberleigh D FLores