Isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang tumiwalag sa kilusan at nagbalik-loob sa pamahalaan sa bayan ng Piat, Cagayan nito lamang ika-13 ng Oktubre, 2024.
Pinangunahan ni Police Major Dennis D Matias, hepe ng Piat Police Station, ang pagbabalik-loob ng miyembro ng CTG na kinilalang si alyas “Bart”, 43 taong gulang, may asawa, magsasaka at residente ng nasabing bayan.
Sa isinagawang paunang panayam, inihayag ni alyas Bart na noong 2002, habang nakatira siya sa liblib na lugar ng Rizal sa Cagayan, siya ay naging kasapi ng Anak Pawis at nagsilbing pasa-bilis at tagabili ng suplay ng pagkain at gamot para sa grupo.
Gayunpaman, tinanggihan niya ang alok na maging regular na miyembro ng grupo dahil iniisip niya ang kinabukasan ng kanyang pamilya. Dahil dito, pansamantala siyang nagtungo sa Maynila upang maiwasang ma-trace o makontak ng nasabing grupo.
Tuluyang pinutol ni alyas “Bart” ang kanyang suporta sa CTG at boluntaryong sumuko, bilang bahagi ng pinalakas na pagsisikap ng pamahalaan alinsunod sa Executive Order 70 o ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na nagpapahina sa pwersa ng CNTs sa lugar.
Patuloy ang panawagan ng Pambansang Pulisya na sumuko na ang iba pang natitirang miyembro ng makakaliwang grupo upang sila’y matulungang makapagsimula ng bagong-buhay sa tulong ng gobyerno.
Source: PIAT PS