Boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga Cagayano Cops noong ika-8 ng Pebrero 2025.
Ang pagbabalik-loob ni alyas “Tonyo”, 50 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente sa bayan ng Gonzaga ay pinamunuan ng pinagsanib na puwersa ng PNP Gonzaga (lead unit), 4th Mobile Force Platoon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company, 203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, Naval Intelligence and Security Group-Northern Luzon (NISG-NL), at 20 Marine Company, Marine Battalion Landing Team-10 (20MC, MBLT-10).
Ayon sa inisyal imbestigasyon, inilahad ni Tonyo na siya ay naging kasapi ng CTG nang siya ay ma-recruit at linlangin ng grupo upang maging kanilang tagasuporta noong siya ay bata pa, at ipinangako sa kanya ang regular na buwanang pinansyal na tulong. Siya ay naging “pasa-bilis,” isang tagapagdala ng mga gamit at suplay para sa mga kasapi ng CTG na matatagpuan sa kabundukan ng Barangay Cabiraoan, Gonzaga, Cagayan.
Matapos ang mga taon ng paghihirap at panganib, nagdesisyon si Tonyo na itigil ang kanyang suporta sa CTG at humiwalay mula sa grupo noong 2023.
Bilang bahagi ng kanyang boluntaryong pagbabalik-loob, ini-turn over ni Tonyo ang isang homemade/improvised na 12-gauge shotgun na walang bala, na matagal na niyang itinago.
Ang boluntaryong pagsuko nito ay bahagi ng mga pagsisikap ng Cagayano Cops sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) at alinsunod sa implementasyon ng Executive Order 70, na layuning tapusin ang lokal na komunistang armadong hidwaan sa bansa.
Patuloy namang nananawagan ang Cagayano Cops sa mga miyembro ng CTG at mga tagasuporta nito na talikuran na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Source: Cagayan Police Provincial Office