Tuluyan ng winakasan ang pakikibaka at nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group sa himpilan ng 2nd Leyte Provincial Mobile Force Company sa Barangay Cristina, Calubian, Leyte nito lamang ika-15 ng Hulyo 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Marino Azur G Estonio, Force Commander ng 2nd Leyte Provincial Mobile Force Company ang nagbalik-loob na si alyas “Batang”, 28 anyos at residente ng Sitio Utap, Barangay Canlampay, Carigara, Leyte na dating miyembro ng Buhawi Platoon sa Carigara, Leyte.
Ang matagumpay na pagbabalik-loob ay resulta ng patuloy na panawagan at pakikipagnegosasyon ng mga tauhan ng 2nd Leyte Provincial Mobile Force Company kasama ang Provincial Intelligence Unit Intel Trackers, Provincial Intelligence Team Leyte-Regional Intelligence Unit 8, 124th Special Action Company, 12 Special Action Battalion, PNP-SAF, 805th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8 at Carigara Municipal Police Station.
Samantala, nakatanggap naman ang nagbalik-loob ng agarang tulong pinansyal at bigas galing sa mga kapulisan.
Isinuko rin ng surrenderee ang isang yunit Caliber .38 revolver na may serial number na 704488 at apat na round ammunition.
Ang nasabing surrenderee ay nasa kustodiya ng 2nd Leyte PMFC para kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon bago sumailalim sa programa ng ating gobyerno na Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-Clip.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang iba pang natitirang kasapi’t tagasuporta ng CPP-NPA-NDF na magbalik-loob sa ating pamahalaan at makiisa sa iisang layunin na labanan ang insurhensiya at terorismo para sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian