Pototan, Iloilo – Patay ang isang mister matapos barilin ng pinaniniwalaang kalaguyo ng kanyang misis sa Barangay Dawis, Pototan, Iloilo nito lamang Miyerkules, Mayo 18, 2022.
Kinilala ni Police Major Ciriaco Esquilarga, Hepe ng Pototan Municipal Police Station, ang biktima na si Danny Asuelo, 44, isang magsasaka at residente ng Barangay Dawis, habang ang suspek naman ay kinilalang si Leo Sapelino, 47, driver at residente ng Brgy. Jamabalud, Pototan, Iloilo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nanonood lamang ang biktima ng TV kasama ng kanyang mga anak ngunit nang narinig nitong tumatahol ang kanilang aso, ay bigla itong lumabas.
Narinig na lamang ng kanyang mga anak ang isang putok at natagpuan ang biktima na nakabulagta at duguan dulot ng tama sa leeg.
Agad namang dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit binawian na ito ng buhay.
Lumalabas din sa imbestigasyon na may dati ng hidwaan ang dalawa dulot ng pinalo ng biktima ng martilyo sa ulo ang suspek matapos itong nahuli na nakipagtalik sa kanyang asawa sa mismong bahay nila noong 2019.
Kasalukuyan namang isinasagawa ng mga tauhan ng Pototan PNP ang hot pursuit operation upang tugisin ang suspek na agad na tumakas matapos nangyari ang krimen.
###