Idineploy na ang mga pulis mula sa tatlong rehiyon sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City sa gitna ng patuloy na paghahanap sa wanted na leader nito na si Pastor Apollo Quiboloy, ayon sa Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules, Agosto 28, 2024.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni PNP Director for Police Community Relations Brigigadie General Roderick Augustus Alba, na ang mga tauhan ng Police Regional Offices (PRO) 10 (Northern Mindanao), 12 (Soccksargen), at 13 (Caraga) ay na-deploy na upang madagdagan ang puwersa ng Civil Disturbance Management (CDM) ng PRO 11 (Davao) sa patuloy na paghahanap kay Pastor Quiboloy.
Aniya pa ni PBGen Alba na kailangan ding magpahinga ang mga pulis na nauna ng na-deploy para sa misyon, samakatuwid, kailangang may hahalili sa kanila na manggagaling mula sa ibang rehiyon.
Nasa ikalimang araw na ang paghahanap kay Quiboloy sa loob ng KOJC compound na nagsimula noong Sabado ng madaling araw, kung saan sinusubukan pa rin ng mga pulis na hanapin ang pasukan ng underground bunker kung saan pinaniniwalaang nagtatago ang televangelist.
Source: www.pnp.gov.ph