Isinagawa ng Cotabato City Police Office ang pagsira sa mga nakumpiskang boga at open pipe na ginanap sa Cotabato City People’s Palace Grounds, Cotabato City noong ika-6 ng Enero 2025.
Pinangunahan ni Police Colonel Jibin Bongcayao, City Director ng Cotabato City Police Office, ang nasabing aktibidad, sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit ng Cotabato City.
Ang naturang hakbang ay bahagi ng kampanya ng PNP laban sa iligal na pagpapaputok ng boga at paggamit ng open pipe, na nagdudulot ng panganib at kaguluhan sa komunidad.
Nasa kabuuang 47 na open pipe at 136 na boga ang nakumpiska ng mga awtoridad mula Disyembre 2024 hanggang Enero 3, 2025.
Ang mga ito ay nakumpiska sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon ng pulisya, katuwang ang mga barangay officials at iba pang stakeholders.
“Ang ating operasyon ay patunay ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga iligal na aktibidad. Ang ating layunin ay mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga komunidad,” ani PCol Bongcayao.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya