Nakumpiska ng mga operatiba ng Baguio City Police Office ang iba’t ibang uri ng ilegal na paputok sa isinagawang operasyon sa Baguio City mula Disyembre 24-26, 2024.
Ayon kay Police Colonel Ruel Tagel, City Director ng Baguio City Police Office, unang inaksyunan ng pulisya ang ulat ng pagsabog ng paputok sa Sarok, Camp 7 na nagresulta sa pagkakakumpiska ng dalawang piraso ng “boga” at 10 piraso ng skyrockets (kwitis) mula sa dalawang lalaking menor-de-edad noong Disyembre 24, 2024.
Dagdag pa rito, nakumpiska rin ang kabuuang Php9,750 halaga ng iba’t ibang uri ng ilegal na paputok kabilang ang 260 pirasong kwitis na nagkakahalaga ng Php5,200; tatlong kahon ng Five Star na nagkakahalaga ng Php1,050; isang piraso ng sawa na may 500 rounds na nagkakahalaga ng Php1,500; at 100 piraso ng bawang na nagkakahalaga ng Php2,000 sa isang delivery rider sa Upper Abanao Street, AZCKO Barangay bandang alas-4:55 ng hapon ng Disyembre 25, 2024.
Hindi rin nakaligtas sa batas ang isang 20 anyos na estudyante matapos hulihin ng mga pulis dahil sa pagbebenta ng ilegal na paputok at nakumpiska sa kanya ang 20 piraso ng Kingkong, whistlebomb at lucis, 200 piraso ng 5 star, 30 piraso ng kwitis, at tig-tatlong piraso ng tiger, everest at botibot fountain.
Ang suspek ay pinaalalahanan sa hindi magandang epekto ng mga ilegal na paputok at inaasahang sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7183 at Executive Order No. 28 s. 2017.
Patuloy naman ang panawagan ni PCol Tagel sa mga residente ng Baguio City na itigil ang pagbebenta, iwasan ang paggamit ng ilegal na paputok sapagkat ito ay ipinagbabawal at upang ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon ng masaya, maayos, at malayo sa aksidente.