Tawi-tawi – Narescue ang 9 na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking ng mga tauhan ng PNP AVSEGROUP nitong Enero 18, 2023 sa Sanga-sanga Airport, Bongao, Tawi-tawi.
Ayon kay Police Colonel Peter Madria, Chief, Sanga-sanga Airport Police Station, Aviation Security Unit Bangsamoro Autonomous Region, nakita nila ang naturang grupo ng kababaihan na kahina-hinalang pumunta sa airport patungong Malaysia. Agad nila itong inimbitahan sa Airport Police Station para sa karagdagan pang mga katanungan at napag-alamang nirecruit sila galing pang Cavite upang maging domestic helper sa Malaysia.
Dagdag pa ni PCol Madria na dumating ang mga biktima sa Zamboanga City. Napag-alaman ding nagbigay lamang ang recruiter sa kanila ng contact person na kinilalang si “Johani” na siyang susundo sa kanila sa Sanga-Sanga Airport at tutulong upang makapasok sa Sabah, Malaysia.
Agad namang itinurn-over ng pulisya ang mga biktima kay Ms. Rosabelle D Sulanid, Municipal Inter-agency Committee Against Trafficking (MIACAT) ng Bongao, Tawi-Tawi para sa karagdagan pang dokumentasyon at pagpapauwi sa kanila habang iniimbestigahan din ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ni alyas Johani.
Pinuri naman ni PBGen Anthony A Aberin, Director, AVSEGROUP, ang mga operatiba ng Sanga-Sanga Airport PS, AVSEU BAR sa pangunguna ni PCol Madria, aniya, “Malaking bagay ang pagkakasagip sa 9 nating kababayan na posibleng biktima ng human trafficking. We should work together to stop this evil activity that victimizes our fellow Filipinos who only want to provide for their families.”