Cebu – Nasagip ng mga operatiba ng AVSEU 7, Mactan-Cebu International Airport Police Station (MCIAPS) ang isang menor de edad na nakatakdang ihatid nang walang pahintulot ng magulang noong Marso 31, 2023 sa Mactan-Cebu International Airport, Terminal 1, Lapu-Lapu City.
Ayon kay Police Colonel Arthur Salida, Hepe, AVSEU 7, naganap ang pagsagip matapos magtungo sa opisina ng MCIAPS ang tiyahin ng biktima para i-report ang umano’y pagdadala ng kanyang pamangkin ng walang pahintulot ng magulang, kaya naman agad humingi ng tulong sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang nasabing tanggapan.
Agaran namang nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan mula sa nasabing istasyon sa pangunguna ni Police Lieutenant Romelo Salum, Duty Officer, upang harangin ang suspek at ang biktima sa Departure Area ng nasabing airport, kasama ang mga magulang at kaanak ng biktima.
Matagumpay na naharang ng nasabing mga tauhan ang suspek at biktima sa departure area nang mamataan sila ng pinsan ng biktima kasama si PSSg Ricky C Loregas, Duty Team Leader, at kalauna’y dinala sa MCIAPS Office para sa karagdagang imbestigasyon.
Pinuri naman ni Police Brigadier Jerry Bearis, Direktor ng AVSEGROUP, ang mga tauhan ng MCIAPS sa kanilang mabilis na pagtugon, na nagresulta sa pag-iwas at pagkakaligtas ng menor de edad sa posibleng pagiging biktima ng human trafficking.