Kinuyog ng mga tagasuporta ni Pastor Apollo Quiboloy ang mga miyembro ng media na nag co-cover sa mga police operations malapit sa gate ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) Compound, Davao City bandang 9:20 ng gabi nito lamang Lunes, Agosto 26, 2024 kaugnay sa pag-aresto sa nagtatagong pastor na may kasong child abuse, sexual abuse, at human trafficking.
Nabatid na nagsimula ang tensyon noong nakiusap si Newsline publisher Edith Caduaya na payagan ang reporter mula sa TV5, UNTV, at isang cameraman na payagang dumaan sa may nakalagay na police line sa kadahilanang uuwi na ang grupo at naka-park ang kanilang sasakyan sa likod na parte ng may police line.
Nang nakita ng mga nagpoprotesta na pinayagan ng mga pulis ang tatlong mamamahayag na makadaan ay agad namang pinigilan ang iba pang limang kasama nito at sinigawan na “bayaran na! “biased media, bayaran!”
Mas naging agresibo ang mga nagpoprotesta nang bumalik si Caduaya at binanggit sa mga ito na tinulungan lang niya ang tatlong mamamahayag na makadaan dahil nasa likod na parte ang kanilang mga sasakyan.
Hindi pa rin nagpatinag ang mga tagasuporta ng KOJC at patuloy sa pagiging agresibo.
Samantala, si Arnel Rebayla, PTV driver ay minaneho na ang pick-up patungo sa police line, sa pag-aakalang pinayagan na silang dumaan. At sumunod naman ang Newsline pick-up na minamaneho ng anak na babae ni Caduaya na si Thea, naisip nito ang hudyat na sunduin ang kanyang ina.
Ito ang dahilan na mas lalong ikinagalit ng mga miyembro ng KOJC, ang nakitang dalawang sasakyan ng media na sumusubok na dumaan sa police line. Agad naman hinarangan ng mga nagpoprotesta at nagsisigaw na “atras, atras!” “biased media”.
Nakuhanan din sa isang video ang lalaking nakaitim na naghahagis ng bottled water sa mga umaatras na sasakyan.
Ang natitirang mga mamamahayag mula sa PTV4, MindaNews, at Philippine Daily Inquirer ay nagsimulang maglakad palabas ng naturang lugar at pinagtabuyan ng mga tagasuporta ni Pastor Apollo Quiboloy, na patuloy na sumisigaw ng “mga bayaran” at “biased media”.
Naitala din ang paghawak ng press card ng Newsline cameraman na si Eugene Dango at hindi rin ito pinalampas at nakatikim din ito mula sa mga nagpoprotesta ng paninigaw ng “biased media! dahil si Dango ang kumuha ng video ng dispersal mabuti na lang at may isang sibilyan na nakasuot ng kulay green shirt na sinubukang mamagitan sa galit na mga tagasuporta sa mga umuurong na mamamahayag.
Nabatid rin na nakaranas ng kaparehong sitwasyon mula sa mga agresibong tagasuporta si Brylle Montalvo, isang reporter ng TV5 noong Linggo, Agosto 25, 2024.
Samantala, patuloy na pinapatupad ng PNP ang maximum tolerance sa lahat ng miyembro at tagasuporta ni Pastor Apollo Quiboloy habang ginagampanan ang pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng paghahain ng Warrant of Arrest.
Nananawagan din ang PNP na sumuko nang maayos si Pastor Quiboloy at harapin ang kanyang patong-pato na kaso upang maging maayos at maging tahimik muli ang Davao City na tinaguriang Top 1 Safest Cities in the Philippines.
Sa kabila ng pagiging mas agresibo ng mga tagasuporta ng KOJC, patuloy ang PNP sa pagsunod at pagkilala sa karapatang pantao ng bawat indibidwal. Walang ibang minimithi ang pulisya, kundi ipatupad ang batas at siguraduhin ang kaligtasan ng bawat mamamayan. Ating tandaan na walang sinuman ang higit sa batas.