Narekober ang matataas na kalibre ng makina, granada at bala sa Sitio Dansuli Barangay Pagatin, Datu Salibo, Maguindanao del Sur noong ika-18 ng Mayo 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Victor T Lim, Hepe ng Datu Salibo Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Alpha King”, alyas “Abu” at alyas “Zac”.
Bandang 3:33 ng hapon ng naturang petsa nang ikasa ang joint military at law enforcement operation ng Datu Salibo MPS katuwang ang 61B Philippine Army at Provincial Intelligence Unit sa nasabing lugar at agad namang tinungo ang Butalo Detachment na nagresulta sa pagrekober sa mga matataas na kalibre ng makina, granada at bala.

Narekober mula sa lugar ang isang yunit ng bore machine, isang yunit ng vice machine, isang yunit ng turning machine, dalawang yunit ng M79 Grenade caliber, ilang unidentified caliber, at isang 105 Howitzer ammunition.
Nang isagawa ang operasyon, ang mga suspek ay agad na nakatakas dahilan upang ang mga awtoridad ay ipagpatuloy ang operasyon para mahuli ang mga ito at mapanagot sa batas.
Ang mga narekober na ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng 61B Philippine Army para sa dokumentaryo at tamang disposisyon.
Patuloy naman ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan na paiigtingin ang kanilang sinumpaang tungkulin na magbigay ng serbisyo publiko para mahuli ang mga nagkasala sa batas para sa maayos at mapayapang Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Ma. Señora Agbuya