Nasamsam ang iba’t ibang matataas na kalibre ng baril, bala, at iba pang armas sa isinagawang pinagsanib na operasyon ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines noong ika-28 ng Disyembre 2024 sa Barangay Manaulanan, Tugunan, Special Geographic Area, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Pinangunahan ni Police Colonel Joel Estaris, Acting Provincial Director ng Maguindanao del Norte at kasalukuyang SGA Ground Commander, ang naturang operasyon katuwang ang 40th Infantry Battalion ng Philippine Army at Pikit Municipal Police Station.
Ayon kay PCol Estaris, ang operasyon ay isinagawa upang ihain ang Warrant of Arrest laban kay alyas “Daurin” sa kasong paglabag sa Tumults and Other Disturbances of Public Order sa ilalim ng Article 153 ng Revised Penal Code.
Gayunpaman, nakatunog umano ang suspek, dahilan upang ito’y makatakas.
Samantala, naaresto naman ang kapatid nito na si alyas “Noro” matapos na maaktuhang nagdadala ng mga iligal na armas na walang kaukulang dokumento.
Kabilang sa mga nakumpiskang armas mula kay alyas “Noro” ay M16 Rifle, M14 Rifle, Cal.50 Sniper Rifle, 7.62mm Sniper Rifle, Rocket-Propelled Grenade, Cal.45 Pistol, Mga bala at magasin para sa iba’t ibang armas.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 10591, o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” laban kay alyas “Noro.”
Ayon kay PCol Estaris, magpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng masigasig na pagtutulungan ng PNP at AFP sa pagpapatupad ng batas at pagsugpo sa mga iligal na gawain sa SGA BARMM.
Panulat ni Pat Ma. Señora Agbuya