Nasamsam ng Tumauini Municipal Police Station at 86th Infantry Battalion ng Philippine Army ang dalawang (2) M16 rifle sa Sitio Dilawlaw, Barangay Antagan 1 ng Tumauini, Isabela.
Bukod sa mga baril, nakumpiska rin ang 15 na magazine at 264 na bala ng M16 rifle.
Ayon kay PMaj Junneil Perez, hepe ng Tumauini MPS, nadiskubre ang mga kagamitan sa tulong ng mga sumukong miyembro ng CTGs.
Itinago anila ang naturang kontrabando sa lugar matapos nilang tumakas mula sa teroristang grupo.
Pinapurihan naman ni PBGen Steve Ludan, Regional Director ng Police Regional Office 2, ang matagumpay na operasyon ng 86IB at Tumauini MPS.
Hinimok din ni PBGen Ludan ang mga natitira pang miyembro ng CTGs na sumuko at mamuhay ng mapayapa sa piling ng kanilang mga pamilya. Nakahanda aniya ang pamahalaan na magbigay ng tulong para sa kanilang pagbabagong-buhay.
Samantala, nasa pangangalaga ng 86IB ang nakumpiskang mga baril para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
? 502nd Infantry – Liberator Brigade
######
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche