Davao de Oro – Naglunsad ng mass wedding ang Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) sa Davao de Oro nitong Lunes, Pebrero 28, 2022.
Ayon kay PBGen Filmore Escobal, Regional Director, Police Regional Office 11, ang aktibidad ay naganap sa Purok 4b, Sitio Side 4, Barangay Mangayon, Compostela, Davao de Oro sa ilalim ng programa ng R-PSB na “Kasalan sa Barangay” na kung saan 15 pares na nagmamahalan ang ikinasal.
Sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Hon. Lema P Bolo, City Mayor na siya ring nagdaos ng seremonya ng kasal at iba pang ahensya ng Davao de Oro ay mas napabilis ang pagproseso ng bawat dokumento ng mga ikinasal kabilang na ang birth certificate.
Hindi naman napigilang umiyak ni Ginang Mercy Mambay-an, isa sa 15 pares na ikinasal dahil sa nag-uumapaw na kaligayahan at pasasalamat nito sa R-PSB Cluster One-Two Compostela sa pamumuno nina PLt Tessie Tanilon at PLt Edith Solidum dahil sa kanilang pagsisikap at tulong upang maikasal hindi lang silang mag-asawa kundi pati na rin ang kanilang mga katribung Matigsalug.
Sa pagbuhos ng mga luha nito ay damang-dama ng bawat naroon sa nasabing kasalan kung gaano napasaya ng mga kapulisan ang bawat pares ng katutubong Matigsalug na ikinasal dahil sa pagbibigay katuparan sa kanilang matagal ng inaasam na maging legal na mag-asawa.
Ayon pa kay PBGen Escobal, pinadala ang R-PSB noong 2020 para tingnan ang mga pangangailangan sa barangay at nakita nila na marami pa ang hindi nakarehistro at naikasal at nangako na ipagpapatuloy nila na irehistro ang mga birth certificates at mga marriage contracts ng mga residente.
Ang mga katutubong Matigsalug at iba pang mga tribu sa bawat Geographically Isolated and Disadvantage Areas ay isa sa mga prayoridad ng iba’t ibang programa ng R-PSB para sa kanilang kapakanan at ikakaunlad ng kanilang pamumuhay.
###
Panulat ni PCpl Mary Metche Moraera
Salamat sa PNP serbisyong may puso