Magandang araw po sa inyong lahat. Tunay na ang Diyos ay Mabuti! Sa kabila ng pandemyang ating nararanasan ay nananatili tayong malakas at malusog dahil sa patuloy na pag-iingat at pagkalinga sa atin ng Panginoong Diyos. Sa panahong tayo ay nalilito at hindi alam ang gagawin, ang “Salita ng Diyos” ang nagsisilbi nating lakas pagkat tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako sa atin. Kaakibat naman nito ay ang pagsunod natin sa Kanyang mga utos upang patuloy nating maranasan ang Kanyang biyaya sa atin.
Bawat-isa ay binigyan ng kalayaan na pumili at gumawa ng desisyon sa kanyang buhay. Pinipili mo ba ang pinaka-mainam sa lahat? Alalahanin natin na ang lahat ng ating gagawin ay may ibubungang mabuti o masama. Kaya`t napakahalaga na tayo ay makinig sa mga payo ng ating magulang, kaibigan, ka-opisina o kakilala na nagmamalasakit sa atin. May mga pagkakataon na ang kanilang payo o paalala ay hindi natin binibigyan ng pansin at pagdating ng panahon ang kanilang ibinahagi sa atin ay katulad ng isang ginto o kayamanan na napakahalaga sa atin.
Naranasan mo na bang magsinungaling? Marahil ang maririnig natin sa ating nakausap ay, “Nagawa ko ng magsinungaling at hindi naman ito maiiwasan.” Sino nga ba ang hindi nagsinungaling mula pagkabata. Naalala natin na kapag tayo ay hindi nagsasabi ng katotohanan ay pinapalo at dinidisiplina tayo dahil ayaw nilang maging sinungaling tayo.
Ano ba ang benipisyo ng pagiging tapat?
“Ang tapat na labi ay mananatili kailanman, ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.” Kawikaan 12:19
Ang pagsasabi ng katotohanan at pamumuhay ng tapat ay pangmatagalan at ang pagiging sinungaling ay panandalian lamang. Ang Panginoong Diyos ay nagsasabi sa atin na dapat tayong mamuhay ng may katapatan. Dapat manatili sa ating puso at isipan na alam ng Diyos ang lahat ng bagay at wala tayong maitatago sa Kanya. Nagawa man nating magsinungaling sa ating kapwa, darating ang panahon na tayo ay haharap sa Diyos upang tumanggap ng gantimpala o hatol mula sa Kanya.
“Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.” Exodo 20:16
“Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.” Kawikaan 20:23
Ang mga nabanggit na talata ay nagtuturo sa atin na tayo ay dapat maging tapat sa salita at gawa. Sapagkat kinamumuhian ng Diyos ang sinungaling at kinahahabagan ang taong tapat. Nasusubok ang ating pagsunod at katapatan sa panahong tayo ay dumaranas ng matitinding pagsubok.
“Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya.” Santiago 1:12
Dumarating sa ating buhay ang kakulangan sa pinansiyal, tinutukso tayo ng kaaway (diablo) na makompromiso at gumawa ng katiwalian o kasinungalingan. Alalahanin natin na ang pagiging tapat ay may kalakip na gantimpala sa Diyos at sa kinaukulan.
Tapat ang Diyos sa Kanyang pangako sa atin!