Pormal na pinasinayaan ng Philippine National Police (PNP) ang Malasakit Center sa loob ng Camp Crame ngayong araw, Oktubre 26 upang mabilis na maihatid ang agarang serbisyo at angkop na pinansyal o medikal na tulong para sa mga tauhan ng PNP at kanilang pamilya.
Pinangunahan ni PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang ceremonial launching ng bagong one-stop shop para sa mga uniformed, Non-Uniformed Personnel at kanilang dependents na nangangailangan ng financial at medical assistance mula sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Philhealth at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nagpahayag ng pasasalamat si PNP Chief Eleazar kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go dahil sa suportang ibinibigay sa PNP at laging pagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga pulis at kanilang mga pamilya.
Kasabay sa pagpapasinaya ng Malasakit Center, tumanggap ang PNP ng Php10-milyon initial fund mula sa Office of the President para sa PNP General Hospital.
Personal na dumalo sa naturang seremonya si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, ang nagsulong ng Malasakit Center Act, kasama sina Secretary Michael Lloyd L. Dino, Presidential Assistant for the Visayas; Atty. Salvador Panelo, Presidential Legal Counsel; at dating Chief PNP, Undersecretary Debold M. Sinas.
“Ako po ay handang magserbisyo hanggang sa abot ng aking makakaya, sapagkat ang bisyo ko po ay magserbisyo sa bayan. Kami po ni Pangulong Duterte ay palaging nakasuporta sa mga pangangailangan para sa kapakanan ng ating mga kapulisan,” ani Senator Go.
Itinatag ang Malasakit Center sa iba’t ibang ospital sa buong bansa simula pa noong 2019 sa ilalim ng Malasakit Center Act.
Bago magtapos ang aktibidad, namahagi si Senator Go ng 15 bisikleta, 15 tablets at 20 pares ng sapatos sa mga dumalong COVID-19 frontliners.
#####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche