Bago pa man matapos ang administrasyon ni President Rodrigo Roa Duterte ay patuloy ang ating hanay sa pagpapaigting ng ating kampanya laban sa ilegal na droga. Isa ito sa programang tinututukan ng pulisya upang puksain ang salot na ilegal na droga. Kaya naman, simula nang maupo bilang Pangulo si President Duterte ay wala tayong humpay sa pagsasagawa ng iba’t ibang operasyon at kampanya upang hulihin ang mga taong sangkot sa paggamit, pagbebenta, at nagbibigay proteksyon sa ilegal na droga.
Sa ilalim ng Double-Barrel Finale Version 2022 o kilala bilang Anti-Illegal Drugs Operation through Reinforcement & Education (ADORE), mas lalong mahigpit ang ating kampanya laban sa ilegal na droga. Tuloy-tuloy ang ating isinasagawang operasyon, mapa-high value o low value personalities man.
Kabilang dito ang pagkakakumpiska sa 68 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng ating mga operatiba katuwang ang PDEA at iba pang law enforcement agencies sa Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga noong May 22, 2022. Sa parehong araw din nahuli ng ating mga operatiba ang dalawang suspek at ang mahigit 3.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang drug operations sa Brgy. San Isidro, Sucat, Parañaque City.
Samantala, sa parehong araw din, tatlong high-value drug personalities naman ang arestado ng mga operatiba sa Valenzuela City matapos ang matagumpay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mahigt 81.6 milyong halaga ng shabu.
Huli rin ang tatlong suspek ng ating mga operatiba sa isinagawang buy-bust operation sa Bocaue, Bulacan sanhi upang makumpiska ang mahigt 3.4 milyong halaga ng shabu mula sa mga suspek.
Matagumpay din ang isinagawang anti-drug operations sa Brgy. Ngibat, Tinglayan, Kalinga na kung saan ay nasa 10.4 milyong halaga ng marijuana plants ang sinira at sinunog ng ating mga operatiba.
Huli rin ang dalawang high value individual at pagkakasira sa malawak na marijuana plantation sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng ating mga operatiba sa Brgy. West Bajac-Bajac, Olongapo City at taniman ng marijuana sa Sitio Mabilig, Kayapa, Bakun Benguet na may halos 1.5 milyong halaga.
Matagumpay din ang isinagawang operasyon ng ating mga pulis sa Cebu City matapos nilang maaresto ang high value individual sa Barangay Duljo-Fatima sanhi upang makuha mula sa suspek ang 32 transparent packs ng shabu na may mahigit 4.7 milyong halaga.
Ilan lamang ito sa napakarami nating matatagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga. Wala silang kawala mula sa batas at ito ay bunga ng ating mabusising paghahanda at intelligence-driven operation, katuwang ang iba’t ibang law enforcement agencies at publiko. Ang lahat ng mga nahuling suspek ay nahaharap sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinapupurihanan ko ang lahat ng ating mga operatibang pulis para sa kanilang pagpupursige at maigting na pagsasagawa ng mga operasyon kontra ilegal na droga. Ang tagumpay natin laban sa ilegal na droga at tagumpay ng bawat Pilipino. Ito ay patunay na sa tulong ng ating mga kababayan ay mahuhuli natin ang mga suspek na silang sumisira sa buhay ng bawat isa.
Ipagpatuloy lang natin ang dakilang tagumpay na ito habang tayo naman ay walang humpay sa kampanya upang puksain ang banta ng droga na salot sa ating bansa.
xxx