Tinatayang Php7,480,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang High Value Individual sa ikinasang buy-bust operation ng Tacloban City PNP sa Barangay 25 Magsaysay Boulevard, Tacloban City nito lamang Enero 29, 2025.
Kinilala ni Police Major Juan Eliezer A Abellon, Chief of Police ng Tacloban City Drug Enforcement Unit, ang suspek na si alyas “Budoy”, 37 anyos at residente ng Mazawalo Poblacion, Palompon, Leyte.
Bandang 10:25 ng gabi nang ikasa ang operasyon ng mga tauhan ng Tacloban City Police Office-City Drug Enforcement Unit, kasama ang PNP- Drug Enforcement Group, Special Operation Unit 8 at Tacloban City Intelligence Unit sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency 8.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang (2) pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 1.1 kilo na nagkakahalaga ng Php7,480,000, isang genuine 500-peso bill kasama ang 66 pirasong 1,000-peso bill, isang 500-peso bill na ginamit bilang buy-bust money, isang sling bag at isang yunit ng 9mm Taurus pistol na may apat na bala.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa section 5 at 11 Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” kaugnay sa COMELEC Gun Ban.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng pagpapaigting ng Pambansang Pulisya katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno sa kampanya laban sa ilegal na droga upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa ating bansa. Dahil sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis, ligtas ka!.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian