Mahigit Php12.2M halaga ng marijuana, sinunog sa matagumpay na anti-drug operation sa Cordillera

0
211

Nagresulta sa malaking tagumpay ang isinagawang marijuana eradication operations ng ilalim ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos matuklasan at sirain ang mga tanim na marijuana na nagkakahalaga ng Php12,298,000 milyon sa Mountain Province, Kalinga, at Benguet noong Marso 14, 2026.

Sa Mountain Province, isang plantasyon na natamnan ng 25,000 Fully Grown Marijuana Plants (FGMJP) na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na Php5,100,000 ang natagpuan sa Brgy. Saclit, Sadanga sa pagtutulungan ng pinagsanib na puwersa ng Sadanga Municipal Police Station (MPS), 1st at 2nd Mountain Province Provincial Mobile Force Companies (PMFC), Provincial Intelligence Unit (PIU) at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Mountain Province Police Provincial Office (PPO), katuwang ang Provincial EOD and Canine Unit- Mountain Province, Regional Intelligence Unit (RIU)-14, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Mountain Province.

Samantala, sa lalawigan ng Kalinga ay nadiskubre ang apat na magkakahiwalay na plantasyon na natamnan ng tinatayang 22,000 Fully Grown Marijuana Plants na may kabuuang halaga na Php4.4 milyon. Natagpuan ang mga ito sa mga barangay ng Tulgao West, Buscalan, Ngibat, at Butbut Proper sa bayan ng Tinglayan, Kalinga, sa pamamagitan ng koordinadong operasyon ng Tinglayan MPS, Tanudan MPS, Pinukpuk MPS, 1st at 2nd Kalinga PMFC, PIU at PDEU ng Kalinga PPO, at PDEA-Kalinga.

Sa Benguet, siyam na plantasyon ang natukoy ng mga operatiba kung saan natagpuan ang 13,690 Fully Grown Marijuana Plants at 1,500 gramo ng pinatuyong marijuana na may kabuuang halaga na humigit-kumulang Php2.79 milyon. Isinagawa ang operasyon sa mga barangay ng Kayapa sa Bakun at Badeo at Tacadang sa Kibungan, Benguet, sa pagtutulungan ng mga tauhan ng Bakun MPS; Kibungan MPS; PIU, PDEU, Provincial Community Affairs and Development Unit, at Provincial Special Operations Group ng Benguet PPO, 1st at 2nd Benguet PMFC; Regional Mobile Force Battalion 15; Regional Intelligence Division ng PRO CAR; RIU-14; Special Operations Unit-CAR.

Agad na sinunog sa lugar ang mga nadiskubreng marijuana bilang bahagi ng standard procedure, habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang mga indibidwal na responsable sa pagtatanim at pamamahagi ng iligal na droga.

Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na determinasyon ng PRO CAR na protektahan ang mga komunidad sa Cordillera laban sa banta ng iligal na droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Source: PRO CAR

Leave a Reply