Mahigit Php10.6M halaga ng marijuana, sinunog sa Benguet

0
168

Isang matagumpay na operasyon ang isinagawa ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) laban sa iligal na pagtatanim ng marijuana, kung saan nadiskubre at agad na sinunog ang mahigit Php10.6 milyong halaga ng ipinagbabawal na droga noong Marso 17, 2026.

Batay sa ulat ng Regional Operations Division ng PRO CAR, pitong magkakahiwalay na plantasyon ang natuklasan na natamnan ng kabuuang 28,400 Fully Grown Marijuana Plants, bukod pa sa 41,690 gramo ng pinatuyong marijuana. Ang mga ito ay natagpuan sa mga barangay ng Kayapa sa Bakun, Pudong sa Kapangan, at Tacadang at Badeo sa Kibungan, na may kabuuang Standard Drug Price na umaabot sa Php10,682,800.

Naging matagumpay ang operasyon dahil sa malawakang koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang yunit ng kapulisan at katuwang na ahensya, kabilang ang mga Municipal Police Station ng Bakun, Kapangan, at Kibungan, gayundin ang iba pang specialized units ng Benguet Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion 15, at Philippine Drug Enforcement Agency CAR.

Agad na sinunog sa lugar ang lahat ng nadiskubreng tanim na marijuana bilang bahagi ng standard operating procedure. Samantala, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng iligal na plantasyon at masigurong tuluyang mapipigil ang ganitong aktibidad.

Patuloy namang nananawagan ang PNP sa publiko na makipagtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Source: PRO CAR

Leave a Reply