Timbog ang walong indibidwal habang nasa tinatayang mahigit Php1.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa mga lalawigan ng Bataan at Nueva Ecija noong Mayo 18 at 19, 2025.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ariel,” “May,” “Aira,” “Aerol,” “Ron,” at “Allan” ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan katuwang ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balanga City Police Station sa Barangay Cataning, Balanga City.
Nasamsam sa kanilang pag-iingat ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 110 gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php748,000.
Samantala, sa Barangay Padre Crisostomo, Cabanatuan City, Nueva Ecija, isang lalaki na kinilala sa alyas na “Orly,” 43 anyos, ang naaresto sa buy-bust operation ng Cabanatuan City Police Station at nakuha ang 70.20 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang Php477,360.
Noong Mayo 19 naman, dakong 7:40 ng umaga, nadakip si alyas “Harry,” na tinuturing na High Value Individual, sa isang operasyon ng Samal Municipal Police Station katuwang ang PIU-Bataan, 1st PMFC, at PPDEU sa Barangay Gugo, Samal, Bataan.
Nasamsam mula sa kanya ang 56 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php380,800, isang kalibre .38 revolver na may apat na bala, at Php1,000 bill bilang marked money.
Ayon kay Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ang tagumpay ng mga operasyong ito ay patunay ng epektibong pagtutulungan ng iba’t ibang law enforcement agencies sa rehiyon.
“Patuloy nating isusulong ang kampanya kontra ilegal na droga alinsunod sa direktiba ng ating Chief PNP, Police General Rommel Francisco D. Marbil, para sa mas ligtas, mas malinis, at mas maayos na lipunan. Buo ang ating paninindigan na gawing drug-free ang buong Gitnang Luzon sa pamamagitan ng agresibo at epektibong mga operasyon laban sa mga sindikato ng droga,” ani PBGen Fajardo.