Muntik nang maipasok sa Puerto Princesa City ang mahigit kalahating milyong pisong smuggled na sigarilyo na napigilan lamang dahil sa inilagay na checkpoint sa Barangay Inagawan, nito lamang ika-31 ng Disyembre 2024.
Ayon sa pulisya, isang pick-up ang sinubukang pahintuin ng mga pulis pero sa halip na tumigil ay humarurot pa ito ng takbo.
Agad na iniradyo sa Police Station 3 ang tumakas na pick-up at nang malapit nang mahuli ay bigla itong lumiko pabalik at nang makalayo ay nagpulasan ang mga sakay at inabanduna ang sasakyan.
Nang lapitan ng mga pulis ang sasakyan, doon nila nadiskubre na may karga itong 30 karton ng smuggle Fort Cigarettes na tinatayang may halaga na humigit kumulang kalahating milyong piso.
Napag-alaman na nagmula sa Sur ng Palawan ang pick-up kung saan din galing ang mga ipinupuslit na sigarilyo na sinubukan ngang ipasok sa siyudad.
Hindi na natukoy pa ang dalawang tumakas na suspek pero inaalam na ngayon kung kanino nakarehistro ang pick-up na ginamit.
Source: The Palawan News
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadaña