Pasay City — Aktibong nilahukan ng mahigit 5,000 na tauhan ng National Capital Region Police Office ang isinagawang “BIDA” Fun Run at Serbisyo Caravan na ginanap sa Mall of Asia, Pasay City nito lamang Linggo, Pebrero 26, 2023.
Ang programa ay pinangunahan ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. at personal na dinaluhan ng bagong talagang Director ng NCRPO na si PMGen Edgar Alan Okubo kasama ang pamahalaang lokal ng Pasay at iba pang mga yunit.
Ang kaganapang ito ay bahagi ng kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng programang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA) na dinaluhan ng libu-libong mga kalahok mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga yunit ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng “Serbisyo Caravan.”
Hindi bababa sa 10 ahensya ng gobyerno ang nag-alok ng libreng serbisyo sa tinatayang humigit kumulang 20,000 na indibidwal at humigit kumulang 16,000 mananakbo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang suportahan ang kampanya ng gobyerno laban sa banta ng ilegal na droga.
Ang nasabing fun run ay malaking bagay sa mga lumahok na kabataan dahil dito, nagiging produktibo sila sa pagsali sa mga programa ng gobyerno at malayo sa anumang ilegal na droga.
Bukod dito, nagkaroon din ng libreng serbisyo sa pagkuha ng passport application, sim card registration, driver’s license application and renewal, blood typing test, x-ray, mammogram, police clearance at marami pang iba.
Ayon sa mensahe ni DILG Sec. Abalos Jr, “Halos 4.8 milyong Pilipino ang aminadong gumagamit ng droga at ang drug of choice nila ay shabu. Dito sa whole of nation approach, hindi lamang ang pulisya at iba pang unit ng pamahalaan ang gagalaw sa demand reduction kundi lahat tayo ay may papel na ipahayag na ang droga ay masama. Huwag silang magpapressure sa barkada, it’s all about your health, your future. Yan ang isisigaw natin ngayong umaga “Buhay ay Ingatan, Droga’y Ayawan.”
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos