Arestado ang isang magsasaka matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril at mga bala sa bisa ng search warrant na ipinatupad ng mga awtoridad sa Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato nito lamang Abril 14, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Bernie B Faldas, Hepe ng Lake Sebu Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Leo,” 59 anyos, may asawa, at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PLtCol Faldas, matagumpay na naisilbi ang search warrant sa koordinadong operasyon ng mga tauhan mula sa Lake Sebu Municipal Police Station, Regional Intelligence Division (RID) 12, South Cotabato Provincial Intelligence Unit (SCPIU), 1205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 12, at 2nd Company ng South Cotabato Provincial Mobile Force Company.
Sa isinagawang paghahalughog, narekober sa loob ng bahay ng suspek ang isang (1) unit ng Colt .45 pistol na walang kaukulang dokumento, dalawang magasin, at 26 na bala ng kalibre .45.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng PNP laban sa ilegal na pag-iingat ng mga armas upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa mga komunidad. Hinihikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan at agad na isumbong sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na armas. Ang pagkakaisa ng mamamayan at kapulisan ay susi sa isang ligtas at payapang pamayanan.