Bacolod City – Higit sa Php2 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa maglive-in partner sa ikinasang buy-bust operation ng Bacolod City Drug Enforcement Unit sa Purok San Roque 1, Brgy. Handumanan, Bacolod City nito lamang Sabado, ika-18 ng Marso 2023.
Kinilala ang mga subject person na sina Maria Elirica Celis alyas “Caca”, 39 at si Carlo Purillo, alyas “Balut”, 36, isang High Value Individual sa naturang syudad, pawang mga walang trabaho at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay Police Captain Joven Mogato, Chief ng CDEU ng BCPO, naaresto ang dalawa matapos silang magbenta ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu sa isang police poseur buyer sa halagang Php3,000.
Ayon pa kay PCpt Mogato, narekober din sa kanila ang may kabuuang timbang na 300 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may Standard Drug Price na Php2,040,000, kabilang ang buy-bust money, isang sling bag at isang coin purse.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nadakip na drug suspek.
Patuloy ang Bacolod City PNP sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga upang masugpo ang pagkalat ng ipinagbabawal na droga sa syudad.