Himas rehas ang magkasintahan na pulis at sundalo sa inilatag na entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kasong paglabag sa Sec. 32 ng Republic Act 10591 o ang Unlawful Sale of Firearms and Ammunition sa Barangay Tubon, Pigcawayan, North Cotabato nito lamang Abril 6, 2024.
Kinilala ang mga suspek na sina Corporal Jaafar Sabturaon, 33 anyos, aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippine, residente ng Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao Del Norte at ang umanoy karelasyon nito na si Patrolwoman Irish Luntao De Emoy, 28 anyos, na nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Section 12 at residente naman ng Barangay Kauran, Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Sa inilabas na ulat ng Pigcawayan Municipal Police Station, naaresto ang dalawa sa isinagawang Entrapment Operation sa pamamagitan ng Oplan Paglalansag Omega kontra Loose Firearms ng CIDG Maguindanao Provincial Field Unit, CIDG Regional Field Unit BAR RSOT na may koordinasyon sa Pigcawayan MPS at 34th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Nakuha sa mga naaresto ang isang Unit ng Noveske Model N4 cal 5.56 na may serial no. 0024; isang Unit ng Cal.45 Pistol na may no.018950AFP; isang Magazine ng 5.56; dalawang Magazine ng Cal. 45; isang (1) Back-Pack; labing apat (14) na bala ng Cal. 5.56; dalawang Government IDs; at isang yunit ng motorsiklo.
Narekober din sa dalawa ang Boodle money at isang piraso ng genuine One Thousand Pesos na ginamit sa operasyon.
Patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ay patuloy sa pagpapatupad ng batas na walang sinisino upang linisin ang kanilang hanay sa pamamagitan ng paghuli sa mga kasamahan nilang tiwalag sa batas.
Kaugnay rito, tiniyak din ng ahensya na mananagot sa batas ang mga suspek na sa ngayon ay mahaharap sa kasong paglabag sa Seksyon 32 ng Republic Act 10591 (Unlawful Sale of Firearms and Ammunition).
Panulat ni Khnerwin Jay Medelin