Bohol – Kulong ang magkasintahan sa Bohol makaraang maaresto sa anti-drug operation na inilunsad ng mga operatiba ng Tagbilaran City Police Station noong ika-30 ng Mayo 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Homobuno Sayon, Chief of Police ng Tagbilaran City Police Station, ang mga nadakip na sina “Ryan”, 39, ng Guiwanon, Baclayon, Bohol at “Mylin”, 18, residente ng Ambuan, Catigbian ng kaparehong probinsya.
Ayon kay PLtCol Sayon, bandang alas-10:20 ng gabi noong Martes nang ilunsad ng City Drug Enforcement Team ng Tagbilaran CPS ang operasyon sa Purok Banat-e Road., Brgy. Bool, Tagbilaran City, Bohol.
Mabilis naman na nadakip ang mga suspek matapos makatransaksyon at mapagbentahan ng droga ang nagpanggap na poseur buyer.
Narekober mula sa mga naaresto ang hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 15 gramo at may Standard Drug Price na Php102,000; isang unit ng Samsung Keypad Cellphone; isang gray pouch; isang unit ng Suzuki Raider 150 motorcycle, at ang buy-bust money.
Kapwa nahaharap ang mga naaresto sa reklamong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165.
Tiniyak naman ng Hepe ng Tagbilaran CPS na kanila pa lalong paghuhusayin ang pagsasakatuparan ng kampanya kontra ilegal na droga tungo sa matagumpay na pagsusulong ng tahimik at drug free na pamayanan.