Timbog ng mga tauhan ng Nueva Ecija PNP ang dalawang suspek sa kasong Multiple Murder at paglabag sa Republic Act 10591 sa Barangay San Joseph, Peñaranda, Nueva Ecija nito lamang ika-26 ng Marso 2025.
Ang operasyon ay pinangunahan ng San Leonardo Municipal Police Station at nadakip ang unang suspek na si alyas “Joey,” 38-anyos mula sa Barangay Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija.
Nakuha mula sa kanyang pag-iingat ang isang .45 kalibreng baril na may kargadong magasin at isang granada, na parehong nakatago sa kanyang bag na nakasuot sa baywang.
Sa patuloy na operasyon, nadakip din ang kanyang nakatatandang kapatid na si alyas “Roger,” 51-anyos na magsasaka, sa Sitio Riles, Barangay Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija.
Kapwa itinuro ang dalawang suspek bilang mga pangunahing salarin sa madugong pamamaril na naganap sa Barangay Mallorca, San Leonardo, kung saan ilang katao ang nasawi.
Nahaharap sa kasong Multiple Counts of Murder at Violations of Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang mga suspek.
Patuloy ang PNP sa masusing imbestigasyon upang matukoy ang iba pang maaaring sangkot at mapanatili ang seguridad ng publiko.
Panulat ni Pat Nikki Lyra Cinderella Barbero