Bacolod City – Kusang sumuko sa mga tauhan ng Bacolod City Police Office ang mag-asawang NPA na nakabase sa Hinoba-an, Negros Occidental nito lamang araw ng Martes, Mayo 3, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Thomas Joseph Martir, City Director ng Bacolod City Police Office, ang mga sumukong former rebel na sina Adonis Ligid-Ligid, 26, Platoon Leader ng CPP-NPA at ang kaniyang asawa na si Danica Aro, 21, isang medic ng Sentro de Grabidad Southern Front ng NPA sa ilalim ng Armando Sumayang Command.
Ayon kay Police Colonel Martir, kinontak ng mag-asawa ang Anti-Crime Advocacy Group Task Force Kasanag, na siyang nag endorse sa kanila sa mga tauhan sa Bacolod City Police Station 7.
Si Ligid-Ligid ay nanggaling sa pamilya ng mga komunistang rebelde na matagal ng nakipaglaban sa gobyerno sa halos walong taon, at naging kasapi din siya nito sa edad na 18. Ang tatlo pa niyang kapatid ay namatay sa encounter sa pagitan ng gobyerno at ng kanilang samahan.
Samantala, si Aro naman ay narecruit ng grupo noong 2018 sa edad na 17. Ayon pa sa kanila, lubha silang nabulag sa propaganda ng CPP-NPA nang sila ay sumali sa kilusan mula ng sila ay mga teenagers pa lamang. Ngunit nagsawa na sila sa pakikipaglaban na parang walang katapusan at matagal ng ninanais ang tahimik na pamumuhay.
Noong 2020 pa nila pinlano ang pagsuko ngunit ito ay naantala dahil sa limitadong pagkilos dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) quarantine restrictions. Nitong araw ay tuluyan na nilang tinalikuran ang teroristang grupo ng sila ay nanumpa at nagbigay ng pledge of allegiance sa ating pamahalaan sa ginanap na seremonya sa BCPO headquarters.
Agad namang itinurn-over ng kapulisan ang mag-asawa kay Hinobaan Mayor, Mr. Ernesto Estrao, na inalalayan ng kaniyang asawa na si Letecia Estrao, Barangay 1 Captain, para sa temporary custody ng mga ito.
Ang naturang pagsuko at nataon sa paglunsad ng Project TAPE (Table for Peace) ng BCPO, isang inisyatibo ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC) para isulong ang kapayapaan, progreso at pagkakasundo sa buong lungsod.
Pinuri naman ni Police Colonel Martir ang mag-asawa sa kanilang katapangan upang tumiwalag sa teroristang grupo at tuluyan ng magbalik loob sa pamahalaan, aniya, “With your surrender, we hope to encourage the others to do the same so they would also enjoy a good life with their family with the support of the government.”
###