Naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA-7 at Talisay City Police Station ang isang 60-anyos na lola bandang alas-9:55 ng umaga nitong Linggo, Hunyo 1, 2025 sa Barangay Cansojong, Talisay City, Cebu.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Maila Causin Maramag, Chief of Police ng Talisay CPS, ang suspek na si alyas “Nanay,” High Value Individual (HVI) at residente ng Purok Greenville, Barangay San Isidro, Talisay City, Cebu.
Ayon kay PLtCol Maramag, nasamsam mula sa suspek ang apat (4) na pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 100 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php680,000 sa merkado.
Narekober din ang ilang drug paraphernalia at mga resibo mula sa isang money transfer outlet na hinihinalang ginagamit sa transaksyon ng ilegal na droga.
Batay sa impormasyon, nakabebenta umano ang suspek ng hanggang 100 gramo ng shabu kada linggo.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Source: AYB/Sunstar