Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang maayos na voter’s registration at ligtas na national at local elections sa Mayo 2022.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang kagustuhan ng publiko na magparehistro at bumoto sa nalalapit na eleksyon ang nagsisilbing inspirasyon ng kapulisan upang siguraduhin ang ligtas at tapat na halalan.
Dagdag ng hepe, nananatiling nakaalerto ang PNP upang masupil ang mga private armed groups na nagbabalak ng karahasan at mga sangkot sa pagbebenta ng loose firearms na maaaring maging banta sa eleksyon.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Commission on Elections upang mapanatili at matiyak ang ligtas at maayos na proseso ng pagpaparehistro.
Ipinag-utos na rin ni PGen Eleazar sa lahat ng police commanders ang pagdeploy ng mga karagdagang pulis sa voting registration areas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at masiguro ang pagsunod sa minimum health standards.
Samantala, nakahanda rin ang PNP upang tiyaking ligtas ang pagsumite ng Certificate of Candidacy ng mga nagbabalak tumakbo sa susunod na eleksyon.
Photo Courtesy: politics.com.ph
####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche