Cebu City, Cebu – Nagsagawa ng feeding program at pamimigay ng gamit pang eskwela ang mga tauhan ng Police Regional Office 7 sa Barangay Day-as, Cebu City nito lamang umaga ng Biyernes, ika-3 ng Hunyo 2022.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Regie Real, Acting Deputy Chief ng Regional Community Affairs and Development Division ng PRO 7 sa direktang pamumuno ni Police Brigadier General Roque Eduardo Vega, Regional Director, PRO 7.
Tinatayang nasa mahigit 50 na bata ang nabigyan ng libreng pagkain at school supplies na kanilang magagamit sa pag-aaral.
Samantala, ipinakita naman ng grupo ng mananayaw mula sa hanay ng PNP ang kanilang angking galing sa pagsasayaw na siyang nagpamangha at nagpatuwa sa mga dumalo.
Masaya naman na ibinahagi ng mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo ng naturang rehiyon ang kanilang mga karanasan maging ang napakalaki at makabuluhang epekto ng kanilang paglahok sa programang kinabibilangan nila.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Real, ang matagumpay na programa ay resulta ng pakikiisa ng mga miyembro ng KKDAT Regional Officers, Regional and Provincial Police Office, PCADG Central Visayas personnel at ang mga opisyales ng nabanggit na barangay.
Layunin ng nasabing programa na mabigyan ng wastong nutrisyon ang bawat bata, matulungan ang mga ito na maging mas responsableng mga mag-aaral at maghangad ng kanilang mas pinaganda na kinabukasan.
###