Mahigit 2,800 na mga puwersa ng gobyerno at volunteers ang ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng Cavite bilang paghahanda sa nalalapit na National and Local Elections na gaganapin sa Mayo 12, 2025.

Pinangunahan ni Police Colonel Dwight E. Alegre, Acting Provincial Director ng Cavite Police Provincial Office (CPPO), ang send-off ceremony na isinagawa kahapon, Mayo 11, sa Camp Gen. Pantaleon Garcia sa Imus City, kasama ang mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Regional Support Unit (RSU), at iba’t ibang Advocacy Support Groups.

Layunin ng deployment na matiyak ang maayos, mapayapa, at ligtas na halalan sa buong lalawigan. Aabot sa 2,453 pulis, 57 sundalo, 21 coast guard, 46 bumbero, 38 RSU personnel, at 257 mula sa iba’t ibang support groups ang magbabantay sa mga polling precinct, checkpoint, at mga lugar na itinuturing na election hotspots. Kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagpapatupad ng COMELEC gun ban, pagbabantay sa mga posibleng insidente ng vote buying, at pagtugon sa anumang uri ng kaguluhan.
Nagpaabot ng pasasalamat si Atty. Mitzele Veron Morales-Castro, Provincial Election Supervisor ng Cavite, sa lahat ng personnel na bahagi ng seguridad. Hinimok rin niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad ipagbigay-alam ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng eleksyon.
Samantala, karagdagang 102 sundalo rin mula sa 2nd Infantry Division ng Philippine Army ang idineploy sa mga rehiyon ng CALABARZON at MIMAROPA. Ayon kay Lt. Col. Jeffrex Molina, tagapagsalita ng 2nd ID, ito ay bilang dagdag suporta sa mga puwersa ng PNP at COMELEC upang mapanatili ang kaayusan at katiwasayan ng halalan sa buong Region IV-A at IV-B.
Ang buong pwersa ay nananatiling nakaalerto upang tiyakin na ang halalan ay magaganap sa ilalim ng ligtas at maayos na kalagayan.
Source: Pilipino Star Ngayon