Camp Crame, Quezon City – Magkasabay na inilunsad ng Philippine National Police ang THE TSIP o Talakayan Sa Isyung Pulis at ang PULIS @ UR SERBIS RELOADED pagkatapos ng Traditional Monday Flag Raising Ceremony nitong umaga ng Lunes, Marso 21, 2022, sa harap ng PNP National Headquarters, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Ang naturang aktibidad ay naglalayong mas paiigtingin at palawakin pa ang mga nasimulang programa ng pulisya partikular sa multimedia at public information dissemination.
Pinangunahan ni Police General Carlos ang Signing ng Memorandum of Agreement kasama si Police Brigadier General Augustus Alba, Chief, PIO; Mr. Daniel S. Razon ng Breakthrough and Milestones Production International Incorporated; at Mr. Jose Eusebio, Vice President for Revenue Program.
Ang “THE TSIP” ay Lingguhang talakayan sa mga isyu ng kapulisan na ipapalabas tuwing Sabado. Layunin nitong bigyan ng kasagutan ang mga katanungan ng publiko tungkol sa mga kaganapan sa loob ng isang Linggo at bigyang pagpapahalaga ang bawat Police Regional Offices na maipalabas ang kani-kanilang accomplishments na may kaugnayan sa pagpapatupad ng kanilang mandato.
Samantala, ang PULIS @ UR SERBIS RELOADED naman ay ang bagong mukha ng Rektang Konek Aksyon Agad. Ito ay ipapalabas araw-araw na kung saan itatampok pa rin ang mga programang nasimulan sa RKAA ngunit mas pinalakas at pinalawak pa.
Pinasalamatan naman ni Police General Carlos ang UNTV sa pakikipagtulungan nito sa PNP at tiniyak na mas maging epektibo pa ang iba’t ibang kampanya ng PNP sa pamamagitan ng mga programang ito, aniya, “Katuwang ng ating mga media partners sa UNTV at BMPI ang programang ito ay magbibigay daan para sa mas malawak na pagbabahagi ng kaalaman, kamalayan at mga impormasyon na may kinalaman sa ating programa kontra krimen, kurapsyon, ilegal na droga at terorismo para sa seguridad at kaligtasan ng ating bansa at ng mamamayang Pilipino.”
###
Tagumpay salamat sa Team PNP