Camp Sergio Osmeña Sr., Cebu City – Kasabay ng pagdaraos ng Traditional Flag Raising Ceremony sa Police Regional Office 7 ay matagumpay na inilunsad ang Revitalized PNP KASIMBAYANAN na ginanap sa Parade Grounds, Camp Sergio Osmeña Sr., Cebu City nitong Lunes, Setyembre 26, 2022.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Regional Director ng PRO 7, Police Brigadier General Roque Eduardo DP Vega, kasama ang PRO 7 Command Group, Regional Staff, mga kinatawan ng NAPOLCOM 7, DILG 7, Advocacy Support Group, Faith-Based Organization, Force Multipliers, at iba pang sektor ng pamahalaan.
Ang Revitalized PNP KASIMBAYANAN ay isang programa na binubuo ng nagkakaisa at nagtutulungang Kapulisan, Simbahan at Pamayanan na naglalayong pagyamanin at suportahan ang kasalukuyang PNP peace and security framework na M+K+K=K o ang Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran.
Sa mensahe na ipinahiwatig ni Dir. Leocadio T Trovela, Regional Director ng DILG 7, na siyang nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita ng naturang aktibidad, kaniyang binigyang diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga stakeholders tungo sa pagkakaroon ng isang ligtas at maunlad na lipunan.
Naging tampok sa naturang aktibidad ang paglagda ng lahat ng dumalo at naging bahagi sa makabuluhang gawain ng pledge of commitment na sinundan ng pinning ng KASIMBAYANAN pin buttons.
Samantala, ipinahayag at ipinangako naman ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng rehiyon ang kanilang pakikiisa at ang 100% na suporta para sa maayos at tagumpay na pagsasakatuparan ng programa.