Camarines Norte – Arestado ang isang lalaki na tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng Camarines Norte PNP sa Purok Yakal A, Barangay Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte nito lamang Enero 14, 2023.
Kinilala ni Police Major Fernand V Segundo, Acting Chief of Police ng Paracale MPS, ang naarestong suspek na si alyas “Pedro”, 32, binata, walang trabaho at residente ng Purok 1, Barangay Tugos, Paracale, Camarines Norte.
Ayon kay PMaj Segundo, bandang 2:20 ng hapon ng maaresto ang suspek ng pinagsanib na mga operatiba ng Paracale Municipal Police Station, Camarines Norte Provincial Intelligence Unit at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO5.
Nakumpiska mula sa suspek ang apat (4) na piraso ng selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php4,080 at isang (1) improvised shotgun na mas kilala sa tawag na “Sumpak” kasama ng dalawang (2) pirasong bala para sa nasabing baril.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang tagumpay ng PNP Bikol sa pagsugpo ng ilegal na droga ay bunga ng pinaigting na kampanya laban dito upang mahuli ang mga taong nagpapakalat at gumagamit nito para mapanatiling ligtas at maayos ang komunidad.
Source: Paracale Mps Cnppo