Arestado ang isang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Bayambang Police Station at 105th Maneuver Company ng RMFB1 bandang alas-1:50 ng madaling araw nitong Mayo 4, 2025 sa Purok 4, Barangay Maigpa, Bayambang, Pangasinan.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jerry”, 41 taong gulang, may asawa, walang trabaho, at residente ng Barangay Batangcaoa, Bayambang, Pangasinan.
Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Region 1 na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek. Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang 3.5 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na Php23,800, na nakalagay sa tatlong heat-sealed na plastic, isang cal. .22 na revolver na may limang bala, marked money, at isang Vivo smartphone.
Isinagawa ang inventory at pagmamarka ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon, sa harap ng mga mandatory witnesses bilang pagsunod sa itinakdang batas.
Si “Jerry” ay nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”, kaugnay ng Omnibus Election Code.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng tuluy-tuloy na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga at armas, lalo na sa panahon ng halalan, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Source: Bayambang MPS
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan