Calatagan, Batangas – Arestado ang isang lalaki dahil sa pagpapatutok ng baril sa Brgy. Tanagan, Calatagan, Batangas nito lamang Biyernes, June 3, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Glicerio Cansilao, Provincial Director ng Batangas Police Provincial Office, ang suspek na si Michael Umandal Panaligan, 40, residente ng Brgy. Tanagan, Calatagan, Batangas.
Ayon kay PCol Cansilao, bandang 8:30 ng gabi nangyari ang nasabing pagpapaputok ng baril ang suspek sa nasabing barangay.
Isang concerned citizen ang nagreport sa Calatagan Municipal Police Station kaya mabilis namang nagresponde ang mga pulis at inabutan pa nila na hawak ng suspek ang baril.
Nagtangka pa ang suspek na tumakas ngunit agad naman itong nahuli at dinis-armahan ng mga awtoridad.
Ayon pa kay PCol Cansilao, nakumpiska sa suspek ang isang kalibre 45 na Armscor na may serial number na 1076084, magazine at mga bala.
Nakuha rin ang dalawang basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente.
Nahaharap ang suspek sa kasong Alarm and Scandal, paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code in relation to COMELEC Gun Ban.
“Mahaharap sa iba’t ibang kaso ang naarestong suspek. Umiiral pa rin ngayon ang mga patakaran ng COMELEC hinggil sa gun ban hanggang matapos ang election period sa Hunyo 8. Iwasan po natin ang ganitong gawi dahil magdudulot ito ng takot at maaaring makasakit sa ating kapwa. Umaasa po kami sa inyong pakikiisa at disiplina”, pahayag ni PBGen Yarra.
Source: Batangas PPO PIO
###
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Elvis Arellano