South Cotabato – Sa kulungan ang bagsak ng isang 35-anyos na lalaki matapos maharang at makuhanan ng ilegal na droga sa ikinasang joint checkpoint operation ng mga awtoridad sa Purok Malipayon, Brgy. Ambalgan, Sto. Niño, South Cotabato nito lamang Linggo, Mayo 21, 2023.
Kinilala ni Police Major Joseph Paulo Villanueva, Hepe ng Sto. Niño Municipal Police Station, ang nadakip na si alyas “Euver”, residente ng Brgy Poblacion, Sto. Niño, South Cotabato.
Dakong 10:59 ng umaga nang magsagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Sto. Niño PNP at Philippine Army na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek dahil sa dala nitong ilegal na droga na nakapaloob sa dala nitong sling bag.
Narekober mula sa suspek ang apat na piraso ng plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 6 gramo na nagkakahalaga ng Php48,000, isang improvised tooter, isang piraso ng plastic tube, lighter at iba pang non-drug item.
Ayon sa direktiba ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, patuloy sa pagsasagawa ng mga patrol operations at checkpoints ang tauhan ng PRO 12 para sa mabilisang pagsugpo ng mga ilegal na aktibidad at kriminalidad tungo sa pagkamit ng kapayapaan sa ating pamayanan.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay Medelin/RPCADU12