Arestado ng pulisya ang isang lalaking lumabag sa COMELEC Gunban matapos siyang maaktuhan na may dalang baril bandang alas-8:45 ng umaga sa Rosario, Pangasinan noong ika-19 ng Enero 2025.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Manny”, 45 taong gulang, residente ng Purok 3, Barangay Guiling, Rosales, Pangasinan
Ayon sa paunang ulat, rumesponde ang mga tauhan ng Rosales Police Station matapos makatanggap ng ulat ukol sa gulo sa nasabing lugar. Sa kanilang pagdating sa compound ng suspek, nakita nila si alyas Manny na inaawat ng isang kagawad ng barangay sa tapat ng kanyang bahay. Sa kanilang pagmamasid, napansin ng mga pulis ang isang baril na nakasukbit sa kanyang bewang, dahilan upang siya ay kaagad na arestuhin dahil sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Gun Ban na itinakda ng Commission on Elections.
Sa isinagawang pagsusuri sa katawan ng suspek, narekober mula sa kanya ang isang .45 caliber na baril na may mga bala. Bukod dito, nakuha rin mula sa kanya ang dalawang dagdag na magasin na naglalaman din ng mga bala, na kusa niyang isinuko sa mga awtoridad.
Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang legal sa lengguwaheng nauunawaan niya. Dinala siya sa istasyon ng pulisya kasama ang mga nakumpiskang baril at bala para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon. Sa isinagawang medikal na pagsusuri, napag-alamang nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang suspek.
Pinapurihan ng mga mamamayan ang mabilis na aksyon ng mga pulis, na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Manny”. Ang ganitong hakbang ay patunay sa patuloy na pagsisikap ng mga awtoridad na gawing mas ligtas at mapayapa ang mga komunidad para sa isang Bagong Pilipinas.
Panulat ni PSSg Robert Basan Abella Jr