Nasakote ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng mga ilegal na armas sa Sitio Mas, Brgy. Kematu, Tboli, South Cotabato nito lamang Pebrero 2, 2024.
Kinilala ni Police Colonel Samuel Cadungon, Officer-In-Charge ng South Cotabato Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Dandan”, residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PCol Cadungon, dahil sa bisa ng search warrant ay nilusob ng mga tauhan ng TBoli Municipal Police Station at 2nd South Cotabato Provincial Mobile Force Company ang tinutuluyan na bahay ng suspek na nagresulta sa pagkakarekober ng dalawang yunit ng cal .45 na baril na may kasamang magazine at mga bala.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A.10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Tiniyak naman ni PCol Cadungon na patuloy ang buong hanay ng South Cotabato PNP sa kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng probinsiya.
Panulat ni Patrolwoman Rhesalie Umalay