Valenzuela City — Arestado ang isang lalaki na umano’y magnanakaw matapos mahulog sa bubong ng isang junkshop nito lamang Biyernes, Oktubre 7, 2022.
Kinilala ni Police Major Randy Llanderal, Sub-Station 2 Commander, ang naarestong suspek na si Wilmer Ocena, 34, at residente ng Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City.
Ayon kay PMaj Llanderal, naaresto si Ocena sa Que Grande St., Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City, ng mga Barangay Tanod at mga tauhan ng Sub-Station 2 ng Valenzuela CPS.
Ayon pa kay PMaj Landeral, nagising ang biktimang si Carolino, 19, sa ingay sa bubong ng junkshop ng kanyang kapitbahay ng madaling araw kung saan nakita nya si Ocena dala ang kanyang cellphone at iba pang mga hinihinalang ninakaw nito.
Sinubukan pang tumakas ng suspek, ngunit nahulog siya mula sa bubong at nagtamo ng bali sa paa kaya agad na inaresto ito ng mga barangay tanod at kapulisan.
Dito na narekober sa suspek ang cellular phone ng biktima na nagkakahalaga ng Php15,000, isang tire wrench na nagkakahalaga ng Php400 at sari-saring tanso na umano’y ninakaw nya sa nasabing junkshop na may halaga na Php350.
Dinala si Ocena sa Valenzuela Medical Center at pinalabas matapos gamutin.
Mahaharap naman siya sa kasong 2 Counts of Robbery.
Nagbigay paalala naman ang Northern Police District sa ating mga kababayan na maging mapagmatyag lalo na sa gabi upang di pasukan ng mga masasamang tao ang kanilang mga tahanan.
Source: Valenzuela City Police Station
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos