Davao City – Inaresto ng tauhan ng Sasa Police Station ang isang lalaki dahil sa panunutok ng baril sa isang menor de edad sa Purok 26 Regner, Malagamot, Panacan, Davao City, noong Hulyo 24, 2022.
Kinilala ni PMaj Jake Goles, Station Commander ng Sasa PS, ang suspek na si alyas “Eleazar”, 45, residente ng Purok 26-A Regner, Malagamot, Panacan, Davao City.
Ayon kay PMaj Goles, matapos makatanggap ng tawag ang nasabing istasyon ay agad namang rumesponde ang tauhan ng Sasa PS sa nasabing lugar at nagresulta ng pagkakadakip sa suspek.
Base sa imbestigasyon ng Sasa PNP, habang naglalakad ang biktima kasama ang kanyang pamangkin sa Kalahi Village, Malagamot, Panacan, Davao City ay nakita nila ang suspek na papalapit at biglang bumunot ng baril sa loob ng dala nitong sling bag at tinutok sa leeg ng biktima.
Dagdag pa ni PMaj Goles, nakuha mula sa suspek ang isang calibre 9mm pistol (Armscor) na may isang magazine at may laman na 7 na bala.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, nagpaalala naman ang Police Regional Office 11 na huwag magdala ng baril o kahit anong armas ng walang legal na dokumento dahil ito ay labag sa batas at may kaukulang parusa.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara