Cotabato — Kulungan ang bagsak ng isang 38-anyos na lalaki matapos lumabag sa ipinatutupad na COMELEC gun ban sa Barangay Takepan, Pikit, Cotabato nito lamang ika-5 ng Oktubre 2023.
Sa report ng Pikit Municipal Police Station, habang nagsasagawa ng random Checkpoint at Kapkap bakal Operation ang Pikit PNP at Philippine Army nang nahuli ang suspek na si alyas “Dorin”, residente ng Brgy. Panicupan, Pikit, SGA BARMM dahil sa dala nitong isang yunit ng Cal. 45 pistol na may kasamang magazine at 29 bala.
Nabigo ang suspek na magpakita ng mga kaukulang dokumento dahilan upang arestuhin sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kaugnay sa Comelec Gun Ban.
Patuloy pa ring nanawagan ang Pikit PNP sa publiko na ganap na makipagtulungan sa ipinatutupad na election gun ban at iwasang magdala ng mga baril at anumang nakamamatay na armas dahil ang pulisya ay mananatiling nakatuon sa pagtiyak ng panuntunan ng batas para sa mas maayos at ligtas na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin