Batasan, Quezon City — Arestado ang isang lalaki ng mga operatiba ng Quezon City Police District nito lamang Biyernes, Mayo 6, 2022, dahil umano sa panggagahasa nito ng isang menor de edad sa naturang lungsod.
Kinilala ni Police Brigadier General Remus Medina, District Director ng QCPD ang suspek na si Robert Jan Liad, 23, nakatira sa #26 Masbate St., Luzviminda Village, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay PBGen Medina, dakong ika-8:30 ng gabi ay nadakip si Liad sa #26 Masbate St., Luzviminda Village, Brgy Batasan Hills, Quezon City ng mga tauhan ng Batasan Police Station (PS 6).
Batay sa sumbong ng biktima na menor de edad, 13 taong gulang, Grade 7 student, sa nakatatandang kapatid, niyaya umano ng suspek ang biktima upang makipagkwentuhan sa kanyang tirahan. Doon umano ay inalok ng suspek ang biktima sa loob ng kuwarto at tinulak.
Sa puntong iyon ay isinagawa ng suspek ang kahalayan at masamang hangarin laban sa biktima.
Daglian namang ipinagbigay alam ng nakakatandang kapatid ng biktima ang nasabing panghahalay sa PS 6 na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek na positibong kinilala ng biktima na siyang salarin sa naganap na krimen.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 8353 o Anti-Rape Law of 1997.
“Lubos na kinakailangang tiyakin ang proteksyon, kaligtasan, kalusugan, at moral ng mga bata, kung kaya’t marapat lamang na arestuhin ang sinumang mahuli o maireklamong sangkot sa paglabag sa kanilang karapatan. Pinapaalalahanan ko rin ang mga magulang o guardians ng mga kabataang ito na dapat lagi silang sinusubaybayan upang masigurong ligtas sila sa anumang klase ng pang-aabuso o pagmamalabis,” ani PBGen Medina.
Source: PIO QCPD
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos