Pasay City – Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng pulisya ng isang granada bandang alas-8:00 ng gabi nang Lunes, Marso 21, 2022.
Kinilala ni PBGen Jimili Macaraeg, District Director ng Southern Police District ang suspek na si Michael Loberiza y Millama, alias “Baba”, 36 taong gulang.
Ayon kay PBGen Macaraeg, naaresto ang suspek matapos rumesponde ang Pasay pulis sa kanilang orihinal na target na sana’y kanilang huhulihin na si Jericho Ubarro y Devantes alyas “Ekong”, pinuno ng Jericho Ubarro Criminal Group at Most Wanted Person sa Pasay.
Subalit nadatnan ng kapulisan ang suspek na si Loberiza na nakatayo sa kahabaan ng Lawaan Street, Brgy 145, Zone 16, Pasay City at nang walang maliwanag na dahilan ay binantaan ang mga opisyal na “Gusto nyo sumabog kayo?!” na nagbigay hudyat sa pulisya na arestuhin siya.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang granada at black pouch.
Mahaharap ang suspek sa kasong Unjust Vexation at Paglabag sa R.A. 9516 (Illegal Possession of Explosives) kaugnay ng Omnibus Election Code.
“Mabuti na lamang at mabilis din ang ating mga pulis kung kaya’t naiwasan ang posibleng mangyari sa mga taong pwedeng maging biktima ng pangyayari” ani pa ni PBGen Macaraeg.
Bilang bahagi rin aniya ng paghahanda para sa ligtas na halalan, hinimok niya ang lahat ng Chief of Units at COPs na doblehin ang kanilang pagsisikap sa pagpapaigting ng operasyon laban sa loose firearms upang matiyak na ang mga armas na ito ay hindi gagamitin sa paghahasik ng anumang gawaing masama.
Source: SPD PIO
###
Good job po s mga pulis salamat