Polomolok, South Cotabato – Arestado ng puwersa ng PNP ang isang lalaki na lumabag sa COMELEC gun ban at nahulihan ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana sa Polomolok, South Cotabato nito lamang Linggo, Abril 17, 2022.
Kinilala ni PLtCol Virlen Plete Pampolina, Officer-in-Charge ng Polomolok Municipal Police Station ang suspek na si Haseren Udtat y Calulong, 45, walang asawa at residente ng Purok Lagwang, Brgy. Rubber, Polomolok, South Cotabato.
Ayon kay PLtCol Pampolina, nakatanggap ng tawag ang Polomolok MPS Hotline mula sa isang concerned citizen na mayroong kahina-hinalang lalaki na umano’y armado ng baril na gumagala sa Purok 4, Brgy. Rubber, Polomolok, South Cotabato.
Agad namang rumesponde sa lugar ang duty SWAT Patrol Team sa pangunguna ni PMSg Rodolfo Baluran Jr kasama ang mga operatiba ng Intel sa lugar upang kumpirmahin ang nasabing ulat.
Pagdating ng rumespondeng team sa iniulat na lugar, agad na namataan ang armadong lalaki at napansin mula sa kanyang baywang ang isang nakausli na baril dahilan upang siya ay arestuhin.
Agad na nagsagawa ng body frisk ang mga operatiba at nakuha mula sa posesyon ng suspek ang isang unit ng Smith and Wesson Cal. 45 pistol at isang pirasong nakatuping puting papel na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Art II, Section 11 ng RA 9165 at Omnibus Election Code, RA 10591 ang naarestong suspek.
###
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal