Quezon City — Arestado ang isang lalaki pagkatapos nitong mag-iskandalo at bumunot ng baril sa isang gasoline station sa Quezon City nito lamang Oktubre 1, 2022.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen Nicolas D Torre III, ang suspek na si Juan Carlos Zambrona Hipolito, 37 at residente ng Brgy. San Bartolome, Quezon City.
Ayon kay PBGen Torre lll, bandang alas-3:11 ng madaling araw naganap ang insidente sa isang Petron Gasoline Station na matatagpuan sa Congressional Ave., Ext. Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Sa imbestigasyon, isang security guard ang nakakita sa suspek na kinilalang si Amero Solaiman na gumagawa ito ng gulo sa nasabing lugar na nagdulot umano ng takot sa mga customer at staff ng nasabing gasoline station.
Hindi pa nakuntento, bumunot ng baril ang suspek sa kanyang sasakyan na nagtulak sa kanya na patahimikin si SG Solaiman. Pagkatapos nito, umalis ito sa lugar habang si SG Solaiman ay agad na nag-ulat ng insidente sa PS 14.
Kaagad namang isinagawa ang hot pursuit ng mga mobile beat patroller at follow-up operatives ng PS 14 na humantong sa agarang pagkakaaresto sa suspek.
Nakuha mula sa possession ng suspek ang Caliber 9MM CZ P10-C pistol na may serial no. D139517 na may siyam na bala.
Kinasuhan naman ang suspek ng Alarms and Scandals of the Revised Penal Code (RPC) at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri ni PBGen Torre III ang pagiging alerto ng mga rumespondeng pulis ng PS-14 at ang kanilang mabilis na aksyon sa insidente, aniya, “Tunay ngang pulis QC ay maaasahan at mabilis ang aksyon. Isang tawag nyo lang at agad kaming sasagot.”
Source: Qcpd Pio
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos