Malaking pagbaba sa bilang ng mga insidente ng krimen sa mga paaralan sa lungsod ang naitala ng Quezon City Police District (QCPD) noong taong 2024, ayon sa ulat ng District Operations and Plans Division sa isinagawang forum nitong Martes, Hunyo 10, 2025.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Vicente Bumalay Jr., hepe ng DOPD, na mula sa 45 kaso ng krimen na naitala noong 2023, bumaba ito sa 21 kaso lamang sa taong 2024 — na katumbas ng 46% na pagbaba.
“Ang pagbaba ng mga insidente ay patunay na epektibo ang mga hakbang na isinagawa ng QCPD sa pagpapaigting ng presensya ng kapulisan at agarang pagtugon sa mga krimen, lalo na sa mga paaralan,” pahayag ni PLtCol Bumalay.
Dagdag pa niya, lahat ng mga naitalang kaso ay nalutas na o na-clear, sa pamamagitan ng mabilis na imbestigasyon at tulong mula sa mga school administrators at barangay officials.
Ang tagumpay na ito ay bunga ng pinaigting na school visitation programs, dialogue sessions sa mga estudyante at guro, at regular na presence ng pulis sa paligid ng mga paaralan bago at pagkatapos ng klase.
Sa tulong ng mga inisyatiba gaya ng Oplan Balik-Eskwela at Police Visibility Patrols, mas naging ligtas ang kapaligiran ng mga mag-aaral, na pangunahing layunin ng QCPD sa pakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya gaya ng Department of Education (DepEd), Local Government Units (LGUs), at mga Barangay.
“Ang kaligtasan ng mga kabataan ay prayoridad ng ating hanay. Sisiguraduhin naming magpapatuloy ang ganitong uri ng serbisyo upang maiparamdam sa mga mamamayan ang tunay na malasakit ng kapulisan,” dagdag ni PLtCol Bumalay.
Hinimok din ng QCPD ang mga magulang, guro, at estudyante na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang paligid upang mas mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa mga paaralan.
Source: Inquirer